Nagpahayag ng pakikiramay si Senador JV Ejercito sa pagpanaw ng isang babaeng nagmomotorsiklo habang isinasagawa ang Bohol Loop 2024 noong Sabado (March 23) ng umaga sa Sikatuna, Bohol.
Nasawi ang biktimang si Ana Marie Tasic nang makabanggaan ang babaeng rider na si Suzette Lacanaria na kalahok din sa Bohol Loop.
Nilinaw ni Ejercito, na isa sa mga kalahok ng Bohol Loop 2024, na hindi karera ang intensyon ng naturang event at tiniyak aniya ng mga organizer ang kaligtasan ng mga kalahok maging ng mga non-participants sa event.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya matitiyak ang aksyon ng bawat isang indibidwal at nangyayari pa rin ang aksidente sa kabila ng mga pag-iingat.
Binigyang diin ng senador na ang misyon ng Philippine Motorcycle Tourism, sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT), ay ang ipakita ang ganda ng Bohol sa pamamagitan ng moto-tourism sa tulong ng mga event gaya ng Bohol Loop.
Kinikilala ni Ejercito ang bigat ng nangyari at nangakong pagbubutihin pa ang mga safety measures para sa mga kahalintulad na event sa hinaharap.
Prayoridad pa rin aniya ang kaligtasan ng publiko. | ulat ni Nimfa Asuncion