Nag-deploy ang Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga bus sa mga ruta na dinadaanan ng LRT Line 1.
Ito ay upang umalalay sa mga pasaherong apektado ng ipinatutupad na Holy Week Maintenance shutdown ng LRT-1 simula ngayong araw.
Gayundin ang mga paghahanda ng linya para sa pagbubukas ng limang bagong istasyon ngayong taon.
Ayon sa abiso ng DOTr, mayroong apat na bus ang idineploy ng MMDA at 50 bus naman ang sa LTFRB na nagsimula ng magbigay ng serbisyo kaninang alas-4 ng umaga hanggang mamayang gabi.
Ito ay may biyahe na mula EDSA-Taft patungong Monumento at pabalik.
Mayroon din itong pick-up at drop off points sa kahabaan ng Taft Avenue, partikular na sa EDSA Taft, Gil Puyat, Doroteo Jose, Carriedo, at Monumento.
Layon nitong matiyak ang patuloy na access ng mga commuter sa mga pampublikong transportasyon bilang bahagi ng Oplan Biyahe Ayos ng pamahalaan ngayong Semana Santa. | ulat ni Diane Lear