Suportado ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chair at KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo ang desisyon ng International Bargaining Forum o IBF na ideklara ang Red Sea at Gulf of Aden bilang ‘war-like zones’.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pag-atake ng ilang rebeldeng grupo sa mga cargo vessel na bumabaybay sa naturang ruta.
Ayon kay Salo, ang hakbang na ito ay makatutulong para iwasan ng mga barko na maglayag sa naturang karagatan at mas matitiyak ang kaligtasan ng mga Filipino seafarer.
Pinuri rin ng kongresista ang aniya’y proactive approach mg IBF para sa kapakanan ng mga mandaragat.
Dahil dito positibo ang kinatawan na mas maghihigpit ang mga ahensya at shipowners sa mga ilalatag na hakbang gaya ng rerouting, security training para sa mga seafarer at dagdag na armed personnel sa loob ng barko.
Una nang nanawagan si Salo at ilan pang kongresista sa pamamagitan ng House Resolution 1651 para sa paglalatag ng mga aksyon upang protektahan ang mga Pilipinong mandaragat sa gitna ng mga pag atake sa commercial shipping vessels sa Gulf of Aden at Red Sea. | ulat ni Kathleen Forbes