Ipinag-utos na ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang pagkakaloob ng lupang sakahan sa 44 katutubong Ati sa Boracay Island.
Ang mga Ati, na miyembro ng Boracay Ati Tribal Organization, ay nawalan ng tirahan nang kanselahin ang collective Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na inisyu ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ni DAR Undersecretary for Legal Affairs Napoleon Galit, naglabas kaagad ng direktiba si Estrella matapos na i-reclaim ng mga may-ari ang 1,282 square meter na lupain, na inokupahan ng mga Ati.
Naglabas ng labis na pag-alala si Estrella sa paglilipat ng mga Ati, na kabilang sa mga katutubong pinagkalooban ng CLOA noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nais ni Estrella na makabalik sa pagsasaka ang mga apektadong Ati sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sarili nilang lupang pagsasaka. | ulat ni Rey Ferrer