Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na ikonsidera sa plano kada araw ang daily weather at heat index forecast ng kanilang tanggapan.
“Bukod sa daily weather natin, pinapayuhan natin iyong mga kababayan natin na i-monitor din ito para maplano po nila ng maayos ang kanilang mga day-to-day activities base sa inaasahang panahon at sa inaasahang nga na temperature range kasi for example.” —Perez.
Pahayag ito ni DOST – PAGASA Spokesperson for Weather Cris Perez na posibleng maglaro mula 25 hanggang 38 degrees Celsius ang range ng temperatura pagpasok ng Abril hanggang Mayo.
“Sa ilang bahagi naman ng Luzon, sa mountainous regions of course mas mababa iyong minimum – posibleng mula 12 degrees ang minimum hanggang 30 degrees iyong maximum habang sa nakakaraming bahagi ng Visayas at Mindanao naman, posibleng mula 24 hanggang 38 degrees Celsius iyong maging range ng temperature ngayong buwan ng Abril at ng Mayo.” —Perez.
Katunayan, nitong Lunes (March 25) lamang, pumalo sa 37.8° celcius ang naitalang temperatura sa Tarlac.
Ito na aniya ang pinakamataas na naitalang temperatura ngayong 2024, na posible pang tumaas sa opisyal na pagpasok ng panahon tag-init.
“So far, the highest for this year only at inaasahan natin na posible pang mas matataas na antas ng temperatura nga sa darating na buwan ng Abril at Mayo.” —Perez.
Dahil dito, pinapayuhan ng opisyal ang publiko na umiwas muna sa anumang porma ng outdoor activity, lalo na pagpatak ng alas-12 hanggang alas-3 ng hapon.
“Mainit at maalinsangan, as much as possible ay iwasan po iyong mga any forms of outdoor activity in between 12 to 3 in the afternoon, iyong kasagsagan ng init ng araw kapag ganitong panahon ng dry season sa ating bansa.” —Perez.
Palagi rin aniyang i-monitor ang mga kasama sa bahay na sensitibo sa mainit na panahon, tulad ng mga nakatatanda.
“May mga sektor tayo na sensitive sa mainit na temperatura ‘no, iyong mga senior citizen, iyong mga may health issues na kailangan ay nasa loob ng bahay, nasa climate controlled rooms lalung-lalo na kapag kasagsagan ng init ng araw.” —Perez.| ulat ni Racquel Bayan