Naglabas ng guidelines ang Department of Migrant Workers (DMW) upang tulungan ang mga widow, heir, at kamag-anak ng mga overseas Filipino worker na nasawi na at may mga benepisyong hindi nakuha sa kanilang mga pinapasukang kompanya sa Saudi Arabia.
Ito ay matapos mabangkarote ang mga construction company noong 2015 at 2016.
Sa Advisory No. 5 series of 2024 na inilabas ng DMW, nakalagay ang mga proseso kung paano mae-encash ang mga tseke ng mga OFW claimant na pumanaw na.
Kabilang sa proseso ang pagsusumite sa ahensya birth at marriage certificate upang makumpirma ang kaugnayan sa pumanaw na OFW claimant.
Nakasaad din sa guidelines na kinakailangan gumawa ng Special Power of Attorney kung kaninong bank account ide-deposito ang benepisyo kapag na-proseso na ang tseke.
Ang mga kinakailangan dokumento ay dapat isumite sa Office of the Director for Internal Audit Services sa 3rd Floor ng Blas F. Ople Building sa Mandaluyong City.
Kapag nasuri at naberipika na ang mga dokumento, saka pa lamang ipo-proseso ng DMW ang tseke para sa deposit o encashment.
Tanging ang LandBank at Overseas Filipino Bank naman ang mga bangko na pinapayagan na magproseso ng indemnity checks mula sa gobyerno ng Saudi. | ulat ni Diane Lear