Mahigit tatlong oras na limitadong power supply, naranasan sa NAIA Terminal 2 ngayong araw – MIAA
Nakaranas ng mahigit tatlong oras na limitadong power supply ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ngayong araw dahil sa serye ng power fluctuations sa paliparan.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) ito ay nakaapekto sa mga aircondition unit sa departure area ng naturang terminal.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng engineering team ng NAIA Terminal 2, natukoy na ang circuit breaker tripping ang dahilan ng power fluctuations.
Ito ay sanhi na rin ng mataas na power loads dulot ng mainit na panahon sa labas ng terminal.
Agad namang napalitan ang circuit breaker sa paliparan at pinaiimbestigahan na ni MIAA General Manager Eric Ines ang iba pang dahilan ng breaker tripping.
Sa kabila nito, normal ang operasyon sa NAIA at walang naantala o nakanselang flights dahil sa insidente.
Naglagay din ng mga electric fan ang MIAA sa NAIA Terminal 2 upang maibsan ang init na nararanasan ng mga pasahero at kawani ng paliparan.
Humingi naman ng paumanhin si MIAA General Manager Ines sa abala na idinulot sa mga pasahero at tiniyak ang masusing maintenance effort upang hindi na maulit pa ang kaparehong insidente sa hinaharap.| ulat ni Diane Lear