Itinuturing ni Senate President Juan Miguel Zubiri na eye opener ang resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia kung saan lumalabas na mayorya ng mga pilipino ang naniniwalang hindi pa napapanahong amyendahan ang Saligang Batas.
Base sa survey na ginawa ng Pulse Asia nitong March 6 to 10, lumalabas na tanging eight percent lang ng mga respondent ang naniniwalang dapat nang amyendahan ngayon ang Saligang Batas habang 88 percent naman ang nagsabing hindi pa dapat ito gawin ngayon.
Ayon kay Zubiri, kailangang timbangin at ikonsiderang mabuti ng Subcommittee on Constitutional Amendments – na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara – at ng buong Senado ang resulta ng survey na ito.
Ito rin aniya ang dahilan kaya nila pinag-aaralang mabuti at hindi minamadali ang pagpapasa ng panukalang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Giniit ring muli ng Senate President ang plano ng Mataas na Kapulungan na magsagawa ng mga pagdinig tungkol sa economic chacha sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Ito ay para aniya malaman ang pulso ng taumbayan pagdating sa pag-amyenda sa konstitusyon at kung ano pang mga pagbabago ang kinakailangang gawin.| ulat ni Nimfa Asuncion