Hindi pa ramdam ang mabigat na daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) mula kaninang umaga.
Ito’y sa kabila ng pagsiuwian ngayong araw sa Metro Manila ng mga bakasyunista mula sa mga probinsya matapos ang Semana Santa.
Batay sa monitoring sa NLEX Corporation, ngayong umaga, nanatili pang maluwag sa daloy ng trapiko papasok ng Balintawak Toll Plaza, gayundin sa Mindanao Toll Plaza.
May kaluwagan pa rin ang mga sasakyang papasok ng Bocaue Toll Plaza, maging sa RFID lanes, gayundin sa San Fernando Northbound at San Fernando Southbound lanes.
Maging sa iba pang toll plaza ng NLEX, Interchange at sa Subic – Clark – Tarlac Expressway o SCTEX ay maluwag pa sa daloy ng trapiko.
Nanatili namang nakaantabay sa mga pangunahing lugar sa expressway ang Patrol and Incident Response Teams ng NLEX para umalalay sa mga motorista at sa daloy ng trapiko.| ulat ni Rey Ferrer