Asahan pagpasok ng buwan ng Abril partikular ng mga Pilipinong galing abroad na hindi na mag-i-issue ang Bureau of Immigration (BI) ng arrival sticker kung dadaan ang mga ito sa mga electronic gate sa mga international port ng bansa.
Sa halip, makatatanggap ang mga biyahero ng e-pass sa pamamagitan ng kumpirmasyon sa e-mail gamit ang eTravel system.
Layunin ng hakbang na ito na mapadali ang proseso ng mga biyahero at ma-maximize ang efficiency sa mga international ports tulad sa mga paliparan.
Bagaman tinanggal ang mga sticker, maaari pa ring mag-request ang mga pasahero ng tatak sa kanilang mga pasaporte mula sa mga opisyal ng immigration.
Sa kasalukuyan mayroon nang 21 na operational na mga electronic gates sa mga international ports at plano pa itong dagdagan ng BI ngayong taon.
Binigyang-diin naman ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na mas maraming makabagong teknolohiya pa ang maaaring maidadagdag ng ahensya upang mas maging epektibo at mahusay ito sa mga immigration service nito kung maipapasa bilang batas ang bagong immigration law.| ulat ni EJ Lazaro