Nagtala ng dalawang insidente ng pagka-lunod sa dalawang lugar sa Davao Region kahapon, Sabado de Gloria.
Sa report ng Coast Guard District Southeastern Mindanao District, unang natala ang pagkalunod ng isang mangingisda sa Bulata Fishing Village, Barangay Lawa, Don Marcelino, Davao Occidental bandang ala 1:00 ng hapon.
Ayon dito nangunguha lang umano ng seashells ang biktimang hindi na pinangalanan ng awtoridad nang mangyari ang insidente.
Inihayag ng asawa ng biktima mayroon umano itong history ng epilepsy at posibleng inatake ito habang namumulot ng seashells at natumba sa dagat.
Sunod na natala ang pagkalunod ng isa ring mangingisda sa Barangay Dawan, Mati City, Davao Oriental bandang alas 3:00 ng hapon sa parehas na araw.
Nakasaad sa ulat na pumunta sa fish cage nito ang biktima kasama ng kanyang anak at asawa.
Balak sanang kunin ng biktima ang naiwan nilang bangka dahil sa malakas na alon at hangin pero bigo itong makuha na siya ring naging dahilan ng kanyang pagkalunod.
Narekober ng Coast Guard Station Davao Oriental at Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office ang bangkay ng biktima.| ulat ni Armando Fenequito