Nadagdagan pa ang bilang ng mga naserbisyuhan ng Philippine Red Cross (PRC) nitong nakalipas na Semana Santa.
Batay sa datos ng PRC, pumalo sa mahigit 8,000 ang mga pasyente na naserbisyuhan simula March 24 hanggang April 1.
Sa bilang na ito, mahigit 7,000 ang kinuhaan ng vital signs, at halos 500 naman ang naitalang minor cases gaya ng pananakit ng tiyan, allergy, pagkahilo, at panghihina ng katawan.
Habang halos 50 ang naitalang major cases tulad ng cardiac arrest, pagkalunod, at pagkahimatay.
At mahigit 40 naman ang kinailangan dalhin sa ospital upang mabigyan ng atensyong medikal.
Matatandaang naka-alerto ang PRC noong panahon ng Semana Santa kung saan nag-deploy ito ng mahigit 2,000 volunteers para mag-operate sa 200 first aid stations sa buong bansa. | ulat ni Diane Lear
📷: Philippine Red Cross