Posibleng patuloy na maranasan ang mataas na heat index o alinsangan sa limang lalawigan sa bansa ngayong Miyerkules, April 3.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo hanggang sa 42°C ang heat index na maramdaman sa Aparri, Cagayan; Pili, Camarines Sur; Dumangas, Iloilo; Catarman, Northern Samar, at Guiuan, Eastern Samar.
Pasok ito sa danger category kung saan maaaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Samantala, nasa ‘extreme caution level’ heat index rin ang inaasahan sa 20 lugar sa bansa.
Kahapon, umabot sa hanggang 46°C ang naitalang pinakamataas na heat index sa bansa sa Guiuan, Eastern Samar.
Samantala, inaasahan ding papalo sa 40-41°C ang alinsangan sa higit 20 pang lalawigan sa bansa ngayong araw kasama ang Metro Manila.
Una nang hinikayat ng PAGASA ang publiko na limitahan muna ang physical outdoor activities sa pagitan ng alas-12 ng tanghali hanggang alas-4 ng hapon upang maiwasan ang malalang epekto ng tag-init. | ulat ni Merry Ann Bastasa