Sinimulan nang talakayin ng binuong technical working group ng Committee on Rural Development ang panukalang Rural Financial Inclusion and Literacy Act.
Sa ilalim ng naturang panukala, nilalayon na tugunan ang malaking gap sa financial inclusivity sa mga rural area o yung mga malalayong lugar.
Tinukoy sa panukala na ito ay bunsod ng kawalan ng kaalaman at access sa financial products gayundin ang alinlangan ng mga taga probinsya na ibahagi ang kanilang personal na impormasyon sa mga financial platforms.
Kaya naman tutugunan ito sa pamamagitan ng Financial Inclusion and Digital Literacy Program kung saan mag kakaroon ng mga seminar at module programs upang ipaintindi ito sa publiko.
Aatasan naman ang National Financial Inclusion Steering Committee na bumuo ng roadmap at gamitin ang PhilSys National ID para padaliin ang access sa transaction accounts ng mga financial institutions.
Pangungunahan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas, NFISC, at Rural Bankers Association of the Philippines ang implementasyon nito sakaling maisabatas. | ulat ni Kathleen Forbes