Tiwala si Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros na bilang na ang masasayang araw ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy dahil lahat na aniya ng institusyon sa Pilipinas ay kumikilos na para mapanagot ito.
Binahagi ni Hontiveros na nagpahayag na ang PNP Davao na makikipagtulungan ito sa iba pang law enforcement agencies sa pag-aresto kay Quiboloy.
Dahil dito, tiwala ang senadora na epektibong maipapatupad ang arrest order na inilabas ng kanyang komite laban kay Quiboloy at mahuhuli na rin ito.
Sinabi ng mambabatas na oras na maaresto ay inaasahan niyang makakadalo na ang religious leader sa susunod nilang magiging pagdinig tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso diumano ni Quiboloy sa mga miyembro ng KOJC.
Nanawagan ding muli si Hontiveros kay Quiboloy na magpakita na, makipagtulungan at sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Giit ng senadora, kung wala namang kasalanan ay hindi kinakailangang magtago. | ulat ni Nimfa Asuncion