Suspendido muna ang lahat ng Environmental Compliance Certificate (ECC) application sa lahat ng mga protected areas sa buong bansa ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi ito ni DENR Secretary Maria Antonia Tulo-Loyzaga sa pagdinig ng senado tungkol sa mga imprastrakturang naipatayo sa mga protected areas sa bansa, kabilang na ang sa chocolate hills sa Bohol.
Ayon kay Loyzaga, kabilang ang pagsuspinde sa mga ECC sa mga ginagawa nilang hakbang para matiyak na nananatiling protektado ang mga protected areas sa bansa.
Maliban dito, ipinag utos na rin ng kalihim ang pagsasagawa ng inventory sa lahat ng mga imprastraktura sa mga protected area at ang pag evaluate sa pagsunod ng mga ito sa mga environmental regulations at standards.
Dinagdag rin ng kalihim na sa ngayon ay ang Environmental Management Bureau (EMB) central office na magproproseso ng lahat ng mga pending at future ECCs sa mga protected areas.
Inutos na rin aniya ni Loyzaga sa lahat ng kanilang regional offices ang kumpletong inventory ng Protected Area Community Based Resource Management Agreement (PACBRMA) at ang mga mapapatunayang hindi nakakasunod ng maayos sa mga kasunduan ay irerekomenda na para sa kanselasyon.
Inaasahan aniyang maipapatupad ang first phase ng mga cancellation ngayong buwan.
Sa ngayon ay gumugulong pa ang pagdinig ng senado tungkol sa mga imprastrakturang natuklasan sa ibat ibang protected areas ng bansa kabilang ang sa Chocolate Hills, Mt. apo, Masungi georesrve, upper Marikina river basin at iba pa. | ulat ni Nifma Asuncion