Maaari nang makapalaot ang mga mangingisda, lumangoy sa mga resort, at bumalik sa mga tahanan ang mga nagsilikas na residente mula sa Isabela, Cagayan, Batanes, Ilocos Norte, at Babuyan Group of Islands.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni Phivolcs Dir. Teresito Bacolcol, na sa kasalukuyan, wala silang nakitang pagbabago sa sea level sa mga karagatang sakop ng bansa na nakaharap sa Taiwan.
Pahayag ito ng opisyal kasunod ng tsunami warning na inilabas ng NDRRMC, makaraang tumama ang 7.5 magnitude na lindol sa Taiwan.
Aniya, kasunod ng ginawa nilang pagbawi sa tsunami warning na ito, hindi na rin sila magbababa pa ng panibagong tsunami warning.
Paliwanag ni Dr. Bacolcol, 8:30 hanggang 10:30 ng umaga kasi inaasahan na tatama ang tsunami, ngunit dahil lumipas na ang itinakdang panahon na ito, at wala namang na-obserbahang tsunami, wala na silang nakikitang banta kasunod ng lindol sa Taiwan.
“Wala na po tayong tsunami threat. The tsunami threat has largely passed. ‘Yung mga na-evacute pwede na po silang bumalik sa kanilang mga tahanan.” — Dr. Bacolcol. | ulat ni Racquel Bayan