Iimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung may katotohanan ang mga napapaulat na kahina-hinala umanong aktibidad ng mga Chinese national sa loob ng isang esklusibong village sa Parañaque City.
Kaya naman sinabi ni AFP Spokesperson, Colonel Francel Margareth Padilla na magsasagawa sila ng background investigation kasama ang Philippine National Police (PNP) kaugnay nito.
Una nang nagpahayag ng pagkabahala ang ilang residente sa naturang village hinggil sa kaduda-dudang galaw ng mga Tsino sa kanilang lugar na ang iba’y inihahalintulad pa sa mga sundalo.
Kasunod nito, sinabi ni Padilla na maliban sa PNP ay hihingi rin sila ng tulong sa Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) para alamin ang ligalidad ng pananatili ng mga nasabing dayuhan.
Magpapatulong din aniya sila sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para naman alamin kung mayroon bang kinasasangkutang mga kaso sa China. | ulat ni Jaymark Dagala