Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nananatili sa tatlo ang bilang ng mga Pilipinong nasaktan sa malakas na lindol na tumama sa Taiwan kahapon.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, minor injuries ang tinamo ng tatlong nasaktan kung saan isa ang nagkaroon ng head injury, isa ang namaga ang mga kamay matapos tumama sa matigas na bagay, at isa naman ang hinimatay.
Ani Cacdac, dalawa sa nasabing mga OFW ang nakalabas na ng ospital habang ang isa namang hinimatay ang nananatili pa sa ospital bilang bahagi ng “medical precautionary measures.”
Tiniyak naman ng opisyal na makatatanggap ng tulong ang tatlong biktima ng lindol gamit ang kanilang action fund.
Kasunod nito, kanyang iniulat na wala namang mga Pilipino ang nasawi sa lindol.
Samantala, sinabi ni Cacdac na patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Taiwan.
Nakikipag-ugnayan din sila sa employer at workers representatives ng mga Overseas Filipino Worker doon para alamin ang kanilang kondisyon.
Sa ngayon, wala pa silang natatanggap na repatriation request mula sa Taiwan. | ulat ni Diane Lear