Iniulat ng Philippine Statistics Authority ang pagbilis sa inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong buwan ng Marso.
Ayon kay PSA National Statistician at Usec. Dennis Mapa, umakyat sa 3.7% ang inflation nitong Marso, mas mataas ito sa 3.4% inflation noong Pebrero pero mas mababa naman sa 7.6% na inflation sa kaparehong buwan ng 2023.
Dahil dito, ang average inflation mula Enero hanggang Marso ay nasa 3.3%.
Kabilang sa mga tinukoy na rason ng PSA sa pagbilis ng inflation ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages partikular ang karne ng baboy at bigas.
Nakaambag din anya sa inflation ang transport dahil sa pagbilis ng galaw ng presyo sa gasolina, diesel, at pamasahe sa tricycle.
Bukod rito, bumilis rin ang inflation sa restaurants at accomodation services.
Samantala, bumilis din sa 3.3% ang headline inflation sa NCR, mula sa 3.2% noong pebrero.
Bunsod din ito ng pagbilis sa inflation sa food at non alcoholic beverages kabilang ang sibuyas at karne ng manok at gayundin ang transport o pagtaas ng presyo sa gasolina at diesel. | ulat ni Merry Ann Bastasa