Nakipagpulong si Health Secretary Dr. Teodoro Herbosa at DOH Undersecretary Dr. Eric Tayag kay Quezon City Mayor Joy Belmonte kaugnay ng pagtaas ng mga kaso ng pertussis sa lungsod.
Kabilang sa natalakay rito ang kasalukuyang datos ng pertussis, gayundin ang mga hakbang na ikinakasa ng lokal na pamahalaan upang mapigil ang pagdami ng kaso ng sakit na ito.
Iniulat din ni Mayor Joy ang patuloy sa contact tracing, active case finding, at health education ang lungsod sa pangunguna ng mga Disease Surveillance Officer ng QC Epidemiology and Surveillance Division.
Tiniyak naman ni Sec. Herbosa na maglalaan ang DOH ng bakuna kontra pertussis sa lungsod.
As of April 1, umabot na sa 27 ang aktibong kaso ng pertussis sa lungsod kung saan lima na rin ang nasawi.
Matatandaang nagdeklara ng pertussis outbreak ang Quezon City noong March 21, 2024 dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit, at pagkasawi ng ilang sanggol.
Pinapayuhan ang lahat na pumunta kaagad sa pinakamalapit na health center o pagamutan kung makita o maramdaman ang mga sintomas ng pertussis. | ulat ni Merry Ann Bastasa