Inanunsyo ni National Security Adviser at National Task Force To End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Co-Vice Chair Sec. Eduardo Año na ipinagutos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtataas ng alokasyon sa 10 milyong piso para sa bawat barangay sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP).
Sa pulong balitaan pagkatapos ng ika-5 NTF-ELCAC Executive Meeting na pinangunahan Pangulo, pinaliwanag ni Año na itinuturing ng Pangulo na masyadong mababa ang 2.5 milyong piso para sa bawat barangay na inilaan sa programa sa ilalim ng 2024 National Budget.
Dahil dito, inatasan aniya ng Pangulo ang Kabinete na taasan ang pinansyal na suporta sa 864 BDP barangays para sa 2024.
Ang Barangay Development Program (BDP) ay itinatag sa layong mapaunlad ang mga barangay na napalaya mula sa impluwensya ng mga teroristang komunista.
Mula nang simulan ang programa, mahigit 30.4 bilyong piso na ang naipamahagi ng pamahalaan sa 4,501 baranggay na napalaya mula sa NPA. | ulat ni Leo Sarne