Binigyang linaw ng Department of Education (DepEd) Region 1 na hindi makakaapekto ang alternative delivery mode na ipinapatupad sa ilang bahagi ng Rehiyon 1 sa kalidad ng edukasyon.
Magugunitang naglabas ng suspensiyon ng face-to-face classes ang ilang mga bayan at lungsod sa rehiyon dahil sa matinding init at temperaturang nararanasan.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, mula noong April 3 hanggang 5 ay nakaranas ng heat index ang lalawigan na katumbas ng effect-based classification na danger. Sa ilalim ng heat index na ito ay maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, na maaaring humantong sa heat stroke.
Samantala, para sa academic year 2023-2024, itinakda ng DepEd ang pagtatapos ng school year sa ika-31 Mayo na magbibigay daan sa unti-unting pagbabalik ng nakasanayang school calendar.
Ayon sa isang panayam kay DepEd Region 1 Director Dr. Tolentino Aquino, bahagi parin ng school year ang alternative delivery mode. Dagdag pa ni Aquino, kinikilala ng ilang mga eskwelahan sa rehiyon na parehong makapagbibigay ng kalidad na edukasyon ang nakasanayang face-to-face classes at alternative delivery mode.
Bukod dito, siniguro ni Aquino na inaalala ng kagawaran ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral sa rehiyon. | ulat ni Ricky Casipit,