Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng Department of Social Welfare and Development-Bicol para sa pilot implementation ng Proyektong Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Poor projects (Projects LAWA and BINHI) sa mga piling munisipalidad sa Bicol Region.
Nauna na ngang inanunsyo ng DSWD Bicol na may 15 munisipalidad sa Bicol Region ang nakatakdang maging bahagi ng pagpapatupad ng nasabing proyekto.
Nagsagawa ng geotagging activity at site validation ang mga kawani ng DSWD Bicol sa pakikipagtulungan ng local government unit (LGU) sa 11 project site sa bayan ng Pilar, Sorsogon.
Layunin ng isinagawang aktibidad na matukoy ang mga target na komunidad kung saan ang nasabing proyekto ay maaaring magbunga ng magandang epekto. Sinuri sa nasabing lugar ang pagkakaroon ng tubig, potensyal sa agrikultura at iba pang socio-economic indicators.
Sa pamamagitan ng proyektong LAWA at BINHI, mabibigyan ng cash-for-training at cash-for-work ang mga magsasaka at vulnerable sectors na apektado ng El Niño.
Ang bawat benepisyaryo ay bibigyan ng pagkakataong lumahok sa mga aktibidad ng cash for training at cash for work sa loob ng 20 araw, na may karampatang arawang sahod batay sa umiiral na daily minimum wage sa project area.
Layunin nitong mapalakas ang adaptive capabilities ng mahihirap at vulnerable na mga pamilya sa panahon ng tagtuyot at maibsan ang epekto nito sa food security at kakapusan ng tubig dulot ng El Niño. | ulat ni Gary Carl Carillo, Radyo Pilipinas Albay
Photos: DSWD Bicol