Inatasan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagkakaaresto ng isang sinasabing iligal na nagre-recruit umano para sa PCG.
Isinagawa ang pagdakip sa illegal recruiter na kinilalang si Lowell Ace Dalnay matapos makatanggap ang PCG ng ulat tungkol sa pag-aalok nito ng kunwari’y assistance para sa recruitment sa Coast Guard pero kapalit ng pera.
Sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Southern Police District, isang operasyon ang isinagawa sa Parañaque City na nauwi sa pagkakaaresto ni Dalnay na nakabihis pa bilang isang PNP Intelligence Officer.
Nabawi kay Dalnay ang P40,000 na boodle money at agarang dinala sa PNP-CIDG SPG para sa booking at filing ng mga karampatang kaso.
Hinihikayat naman ng PCG ang publiko na iulat sa kanilang tanggapan ang mga illegal recruiter para sa agarang aksyon.| ulat ni EJ Lazaro