Umaasa ang Teacher’s Dignity Coalition na susundin ng lahat ng field office ng Department of Education (DepEd) at maging ng mga school head ang direktiba nito kaugnay ng pagpapatupad ng asynchronous/distance learning classes ngayong Lunes, April 8.
Ayon kay TDC Chair Benjo Basas, sa ilalim ng direktibang ito, hindi maaaring obligahin ang mga guro at school personnel na pisikal na mag-report din sa paaralan.
Giit nito, nakatatanggap pa rin sila ng report na may ilang paaralan ang pinapapasok pa rin ang mga guro sa kabila ng inilabas na DepEd advisory.
Hirit ng TDC sa DepEd, i-monitor kung nakakasunod sa naturang polisiya ang mga eskwelahan.
“We urge the DepEd officials to monitor this directive (which is aligned with the DO 37, s. 2022) as we are constinously receiving reports that some field officials and school heads are still requiring teachers to report physically to their schools.”
Una na ring hiniling ng TDC na iwasang matapat sa buwan ng Abril at Mayo ang pasok ng mga bata sa susunod na school year at agarang bumalik sa June-March calendar.
Panukala ng grupo, kung magsisimula ang pasukan sa Hulyo 29, 2024 ay dapat matapos ito ng hindi na lalampas sa ikalawang linggo ng Abril 2025. | ulat ni Merry Ann Bastasa