Patuloy na nakabantay ang Department of Migrant Workers (DMW) sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Taiwan matapos ang tumamang magnitude 7.2 na lindol noong Miyerkules.
Batay sa pinakahuling ulat ng DMW, umabot na sa siyam ang bilang ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang nasugatan dahil sa malakas na pagyanig.
Ayon sa DMW, ang lahat ng mga OFW ay nabigyan na ng atensyong medikal at kasalukuyang nagpapagaling sa mga dormitory ng kanilang kompanya.
Mahigpit din anilang mino-monitor ng DMW-Migrant Workers Office sa Taipei ang kondisyon ng mga nasugatang OFW.
Nakikipagtulungan din ang DMW sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) para suportahan ang mga apektadong OFW.
Samantala, nagpadala ng six-member augmentation team ang ahensya sa Taiwan ngayong araw upang tugunan ang pangangailangan ng nasa 5,000 mga OFW sa Hualien County at iba pang apektadong lugar.
Layon ng team na makapagbigay ng psychosocial at mental wellness support para sa mga apektadong OFW sa naturang bansa.| ulat ni Diane Lear