Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw (April 8) ang pamamahagi ng higit 4,000 certificate of land ownership award, at higit 2,000 electronic titles sa mga benepisyaro sa Negros Occidental.
Sabi ng Pangulo, patunay lamang ito ng commitment ng pamahalaan sa pagtupad sa pangako na maipamahagi ang mga lupang sakahan sa mga Pilipinong magsasaka.
“Itong programang pang-agrikultura ng pamahalaan ay nagpapakita lamang ng seryosong pagkilos ng administrasyon upang matulungan kayo na magkaroon ng higit na kakayahan, kasanayan at mga pagkakataon sa pag-unlad,” -Pangulong Marcos.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Agrarian Reform (DAR) na mahigpit na makipag-ugnayan sa iba pang tanggapan ng pamahalaan para sa ikabibilis pa ng distribusyon ng land titles.
“Sa ating mga agrarian reform beneficiaries, maituturing po kayong mga buhay na bayani ng ating panahon. Kayo ang sandigan namin upang masiguro na sapat ang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Sa ating pagkakaisa, tiyak akong mapapayabong natin hindi lamang ang agrikultura dito sa inyong lugar, kung hindi pati na sa buong ekonomiya ng Pilipinas,” -Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, pinangunahan rin ng Pangulo ang pamamahagi ng ₱69.17 million na halaga ng assistance sa mga magsasaka.
Kinabibilangan ito ng fertilizer, farm machinery and equipment, farm to market roads, at iba pa.
“Makaasa kayo na kabalikat ninyo ako at ang buong pamahalaan sa lahat ng inyong pagsisikap. Nawa’y samahan ninyo ako sa pagsasakatuparan ng isang Bagong Pilipinas – isang bansang walang nagugutom at ang lahat ay kumikilos para sa kapakanan ng lahat.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan