Nanindigan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa hirit nitong agarang pagbabalik ng June/March school calendar sa mga paaralan.
Ito sa kabila ng pahayag ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte na may prosesong sinusunod at hindi maaaring madaliin ang pagbabalik ng dating school calendar.
Isa sa tinukoy na dahilan ng bise presidente ang kailangan na mabigyan ng sapat na pahinga ang mga guro at estudyante.
Sa isa namang pahayag, pinaliwanag ni TDC Chair Benjo Basas na mas kailangang madaliin ang pagbabalik ng dating school year nang hindi na maulit sa 2025 ang nararanasan ngayong matinding init na nagreresulta sa mga class suspension.
Mungkahi nito, maaaring maging transition period ang SY 2024–2025 at tapusin ito sa April 11, 2025, mula sa orihinal na plano ng DepEd na May 16, 2025.
Maaari rin aniyang magpatupad ng asynchronous Saturday classes ang mga eskwleahan para maabot ang traditional 180 days na requirement ng DepEd.
“For the TDC, this is the most effective way to promptly respond to this crisis. Definitely, there is no need to compromise teachers’ and students’ vacations, and no one has to endure the intense heat in April and May. Above all, we can maximize face-to-face classes without frequent delays.”
Handa naman ang TDC na muling makipagdayologo sa bise presidente at DepEd management para matalakay ang kanilang proposal. | ulat ni Merry Ann Bastasa