Pinatunayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na peke ang kumalat na Authority to Operate and Pre-Operation Report na naguugnay kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasunod ito ng inilabas na certification ng ahensya na may petsang April 4, 2024, kung saan inisa-isa ng PDEA ang mga naging basehan nito para ideklarang bogus ang mga dokumento.
Ayon sa PDEA, walang mga control number ang dalawang dokumento na inisyu ng PDEA National Operations Center.
Intensyunal din aniyang tinakpan ang Item VI sa Authority to Operate, partikular ang “Noted by”, para hindi ito maberipika.
Kulang din ang detalye sa Items No. VII at No. VIII ng Authority to Operate sa “Coordination Made by” at “Received by” at hindi nakalista sa National Drug Information System (NDIS) ang pangalan ng sinasabing target na indibidwal sa Pre-Operation Report.
Dahil dito, muling iginiit ng PDEA na wala sa kanilang Operational Reports and Monitoring Information System, o PORMIS ang ipinakalat na mga dokumento.
“To settle the issue once and for all, PDEA reiterates that the operational documents do not exist in the PDEA Operational Reports and Monitoring Information System, or PORMIS; Records of Operational Coordination Reports; and PDEA Blotter Book on all Operational Reports covering the year 2010 to present.”
Una nang pinag-ingat ng PDEA ang publiko sa mga impormasyong nababasa online nang hindi mabiktima ng fake news. | ulat ni Merry Ann Bastasa