Patuloy na sinisikap ng National Food Authority (NFA) na mapaangat ang kasalukuyang rice buffer stock o imbak ng bigas sa bansa.
Batay sa pinakahuling ulat ng NFA noong Pebrero, umaabot na lamang nasa 41,285 MT lamang ang NFA Total Expected Milled Rice Inventory (TEMRI), mas mababa sa minimum inventory requirement ng bansa na 300,000 MT.
Sa ngayon, aminado si NFA OIC Larry Lacson na hamon sa ahensya ang pagbili ng palay dahil sa kompetensya sa private traders.
Aniya, sa kanilang monitoring, lumalabas na umaabot sa P25-P27 kada kilo ang bilihan ng rice traders na malayo sa P23 na buying price naman ng NFA.
Sa ngayon, gumagawa naman na aniya ng hakbang ang NFA para mapataas ang buffer stock.
Kabilang sa posibleng ikonsidera ang pagtaas ng procurement price ng palay.
“Kumpyansa tayo na madaragdagan pa ang ating mga stocks at makakahabol pa tayo ngayong season,” Lacson. | ulat ni Merry Ann Bastasa