Binigyang pugay ni Speaker Martin Romualdez ang malaking kontribusyon ng Filipino Muslim community sa pagtataguyod ng bansa kasabay ng pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan o Eid’l Fitr.
Aniya, kasabay ng pakikiisa sa selebrasyon ng Eid’l Fitr, ay nararapat lang ding kilalanin ang ambag ng Muslim community sa pagpapayaman ng ating bansa sa pamamagitan ng pag-unawa, pagkakaisa at pagrespeto sa pananampalataya at paniniwala.
Paalala naman nito na hindi lamang tayo dapat magalak sa kasaganaan ng pagkain at mga pagpapala kundi maging sa mas malalim na espirituwal na kahulugan sa likod ng sagradong panahong ito.
Aniya, ang Ramadan ay nagtuturo ng mga halaga ng pagtitimpi, pakikiramay at disiplina sa sarili, gayundin ay panahon para sa pagtitika para sa personal na paglago at espirituwal na kaliwanagan.
Umaasa si Romualdez na ang selebrasyon ng Eid na ito ay magdala hindi lamang ng kagalakan kundi pati na rin ng panibagong pag-asa para sa hinaharap.
“Let us carry forward the values of compassion, generosity and unity that define this occasion, extending kindness and goodwill to all. Eid Mubarak to our Muslim brothers and sisters!” pagbati pa ng House Speaker. | ulat ni Kathleen Jean Forbes