Isa pang mambabatas ang nagtutulak na magkaroon na rin ng heat warning levels ang heat index.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, bagamat naglalabas ang PAGASA ng heat index level na mararanasan ay wala naman itong kaakibat na babala sa kung ano ang maaaring maging epekto at dapat na aksyon ng publiko at LGU.
Kaya mungkahi nito na tulad sa bagyo ay magtakda ng warning levels.
Halimbawa aniya, maaaring hatiin ang index level sa apat na kategorya.
Kapag signal number 1, na siyang lowest index level ay ibayong pag-iingat ang kailangan gaya ng hindi paglabas sa bahay ng mga vulnerable sector.
Ang signal number 2 naman ay maaari aniya na magpatupad ng limitadong aktibidad para sa mga mag-aaral.
Sa signal number 3 naman maaari nang suspindihin ang klase sa lahat ng antas maging trabaho.
At para sa pinakamataas na antas, ay magpapatupad na ng mandatory energy at water conservation.
Una nang iminungkahi ni Valenzuela Rep. Eric Martinez ang pagkakaroon ng ganitong protocol sa tag-init gaya ng sa tag-ulan bilang bahagi ng new normal dala ng climate change. | ulat ni Kathleen Jean Forbes