Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa local government officials na magkaisa para matugunan ang problema sa trapiko sa kanilang nasasakupan.
Naniniwala si Abalos, na malaki ang magagawa ng local government units (LGUs) para masolusyunan ang problema sa trapiko.
Kinatigan ng kalihim ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahalaga ang pakikipagtulungan ng LGUs sa paghahanap ng solusyon sa nasabing problema.
Binigyang halimbawa ni Abalos ang pinaiigting na road-clearing operations ng DILG sa mga pampublikong kalsada, eskinita at lansangan.
Pinuri nito ang isinagawang road-clearing efforts ng Barangay Holy Spirit, kung saan nasa 92 kalsada ang nalinis sa libo-libong illegal structures.
Bunga nito, nakalikha ng isang alternatibong ruta para sa mga motorista na dumadaan sa Commonwealth area.
Si Abalos ay kasama ni Pangulong Marcos Jr. sa ginanap na “Bagong Pilipinas Town Hall Meeting on Traffic Concerns” sa San Juan City, kaninang umaga. | ulat ni Rey Ferrer