Binigyang diin ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano at pagpapatupad sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan, para masolusyunan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Sa kaniyang mensahe sa Bagong Pilipinas Townhall Meeting, ibinahagi ni Balisacan ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi malulutas ang problema sa trapiko sa pamamagitan ng patse-patseng mga inisyatibo.
Kaya aniya binuo ng NEDA ang Philippine Development Plan 2023-2028 upang maibalangkas ang komprehensibong istratehiya na tumutugon sa isyu ng mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Nakapaloob aniya dito ang pagpapabilis ng konstruksyon ng mga “mass-transit infrastructure” kagaya ng subway, railways, expressways at mga tulay sa Metro Manila, at karatig na lugar.
Ito ay upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating ekonomiya at ating mga kababayan.
Hinikayat din ni Balisacan ang mga negosyante na mamuhunan sa iba’t ibang mga lungsod sa labas ng Metro Manila.
Sa huli, nanawagan ang kalihim ng pagtutulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, LGUs, at pribadong sektor para masolusyunan ang problema sa trapiko. | ulat ni Diane Lear