Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-aaralan na ngayon ng gobyerno ang posibleng pagpapalawak ng “pilot implementation” ng motorcycle taxis sa bansa.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa Bagong Pilipinas Traffic Townhall summit, bilang tugon sa pakiusap ni Angkas CEO George Royeca, na payagan ang mga motorcycle taxi na mag-expand na sa ibang mga lugar sa bansa upang makatulong sa mobility ng commuters at trabaho sa mga Pilipino.
Ayon sa Pangulo, kinikilala niya ang mahalagang papel ng motorcycle taxis at iba pang mga serbisyo sa taumbayan.
Kaya naman ayon sa punong ehekutibo, inaaral na sa ngayon ng pamahalaan kung saan bahagi ng bansa na maaaring magdagdag ng mga motorcycle taxis.
Samantala ayon naman kay Transportation and Railways Secretary Jaime Bautista, suportado ng kanyang kagawaran ang operasyon ng motorcycle taxis kaya naman sa ongoing pilot test ay magdadagdag ng 8,000 mga motorcycle sa programa. | ulat ni Melany Valdoz Reyes