Bago mag-alas otso ng umaga ngayong Huwebes sa Pilipinas, at bago mag- alas otso ng gabi naman ng Miyerkules sa Washington DC inaasahan ang pagdating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang official visit na kung saan, ang highlight ay ang kanilang trilateral meeting nina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Subalit bago ang makasaysayang trilateral summit, magkakaroon muna ng bukod na pulong sina Pangulong Marcos at US President Biden.
Sa panayam ng Philippine media delegation kay National Security Communications Adviser John Kirby, sinabi nitong inaasahan sa pagkikita ng dalawang lider ang mas lalo pang pagpapatibay sa alyansa ng US at ng Pilipinas.
Kasama rin sa pag-uusapan nina Pangulong Marcos at ni President Biden ang may kinalaman sa energy at economic security, maritime at investment infrastructure at ang pagpapalalim pa ng people-to-people ties.
Inaasahan din ani Kirby ang gagawing muling pagtiyak ni President Biden sa iron clad alliance commitment ng Estados Unidos sa Pilipinas. | ulat ni Alvin Baltazar