Nilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na usapin sa pagapapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas, Japan, at Estados Unidos ang sentro ng gagawing trilateral meeting ng tatlong bansa.
Sa kaniyang departure speech bago tumulak sa Washington D.C, sinabi ng Pangulo na partikular na bubuksan ng Pilipinas ang mga paraan upang maisulong pa ang kooperasyon ng tatlong bansa sa linya ng critical infrastructure, semi-conductors, digitalization at cybersecurity, critical minerals, at renewable energy.
Bagamat matatalakay rin aniya ang defense, maritime cooperation, at security, hindi ito ang magiging sentro ng kanilang pag-uusap.
Gayumpaman, siniguro ng Pangulo na patuloy nilang isusulong ang ‘rule of law’ at malayang paglalayag sa South China Sea. | ulat ni Racquel Bayan