Patuloy ang pagkilala sa bansa bilang isa sa ‘best country destinations for tourism’.
Nominado ang bansa sa pitong kategorya sa World Travel Awards 2024.
Kabilang sa mga pagkilala na posibleng matanggap ng bansa ang ‘Asia’s Leading Beach Destination’, ‘Asia’s Leading Dive Destination’, at ‘Asia’s Leading Island Destination’.
Posible ding maparangalan ang makasaysayang ‘Walled City ng Intramuros’ dahil nominado itong muli bilang ‘Asia’s Leading Tourist Attraction’, habang ang Boracay naman ay nominado din bilang ‘Asia’s Leading Luxury Island Destination’, at ang Cebu ay bilang ‘Asia’s Leading Wedding Destination’.
Ang mismong Department of Tourism (DOT) ay nominado bilang Asia’s Leading Tourist Board.
Ayon kay Tourism Sec. Christina Garcia Frasco, ang mga naturang nominasyon ay nagbibigay diin sa dedikasyon ng Department of Tourism simula nang magsimula ang Marcos administration.
Nagpasalamat din ang Kalihim sa WTA sa pagbibigay ng lugar sa Pilipinas para ipakita nito ang handog na pang-turismo ng bansa, hindi lang sa Asya kundi maging sa buong mundo.
Pinasalamatan din ni Frasco ang lahat ng tourism stakeholders sa kontribusyon nito na alagaan ang mga magagandang tourism spots sa bansa at ma-enjoy ng buong mundo. | ulat ni Lorenz Tanjoco