Hinihikayat ni Senador Francis Tolentino si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad nang maglabas ng executive order para makapagpatupad ng adjustment sa work schedule ng mga kawani ng gobyerno.
Ito ay bilang pakikiisa ng senador sa panawagan ng Metro Manila Council sa Malacañang na gayahin ang inilabas nilang kautusan tungkol sa adjustment ng work schedule ng mga empleyado sa mga lokal na pamahalaan at ahensyang nasa Metro Manila, sa 7AM hanggang 4PM, mula sa orihinal na 8AM to 5PM.
Paliwanag ni Tolentino, dapat na rin itong ipatupad sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno para magkaroon ng uniformity o pagkakapare-pareho sa work schedule ng lahat ng government agencies.
Para sa senador, ang kautusan ng MMC ay isang hakbang tungo sa tamang direksyon para magkaroon ng mas sustainable at commuter-friendly Metro Manila.
Iginiit ng senador, na sa pamamagitan ng pagpapareho ng schedule ng government at private sector ay mababawasan ang mabigat ng traffic tuwing peak hours, at mapapaganda ang commuting experience para sa lahat. | ulat ni Nimfa Asuncion