Naghain na ng preventive suspension order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Davao del Norte Governor Edwin Jubahib.
Ito ay matapos na maglabas ng 60-araw na suspensyon ang Office of the President laban sa gobernardor.
Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang suspensyon ay bunsod ng reklamong administratibo kay Jubahib.
Nahaharap ang gobernador sa mga alegasyon ng pang-aabuso ng kapangyarihan, opresyon, at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa interes ng isang pribadong kumpanya.
Kinikilala naman ng Kalihim ang mga hamon na kinaharap ng kanilang mga opisyal sa pagpapatupad ng kautusang ito.
Pinuri rin ni Abalos ang kanilang dedikasyon sa tungkulin sa gitna ng mga naging paglaban sa pagsuspinde.
Sa ngayon, si Davao del Norte Vice Governor De Carlo Uy ang magsisilbing acting governor ng lalawigan sa loob ng 60 araw. | ulat ni Diane Lear