Bagamat maaaring makonsidera, dapat pa ring pag-aralan ang plano hinggil sa pagbabalik sa lumang school calendar ayon kay Senator Imee Marcos.
Sa naging panayam sa mambabatas sa pagbisita nito sa Iloilo City, sinabi nitong hindi na pareho ng dati ang klima sa bansa.
Pabago-bago na di umano ang panahon sa Pilipinas kaya’t minsan mahirap nang tukuyin ang magiging lakbay ng panahon.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bukas ito sa ideya ng agarang reversal o pagbabalik sa lumang school calendar, sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon.
Sa kalendaryo ng Department of Education sa Mayo 31, 2024 magtatapos ang school year 2023-2024 habang sa Hulyo 29 ngayong taon naman magsisimula ang school year 2024-2025 sa mga public school. | ulat ni Hope Torrechante, Radyo Pilipinas Iloilo