Welcome kay Senator JV Ejercito ang utos ng Malacañang na pagbawalan ang mga empleyado at opisyal ng pamahalaan na gumamit ng wang-wang, blinkers at iba pang signaling devices sa mga sasakyan.
Ito lalo na aniya’t tila nagiging trend na ngayon ang paggamit ng mga sirena, blinkers, at highway patrol group escorts sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ipinunto ng senador, na habang ang lahat ay naiipit sa mabigat na traffic ang mga convoy na gumagamit ng escorts at signaling devices ay lumulusot lang, at binu-bully ang lahat ng nasa kalsada.
Ibinahagi rin ni Ejercito, na hindi siya kailanman gumamit ng wang-wang o blinkers lalo na ng pulis escort dahil para sa kanya ay nakakahiya ito.
Una nang ibinaba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order no. 18, na nagbabawal sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na gumamit ng wang-wang, blinkers at iba pang katulad ng mga gadget.
Nakasaad sa kautusan na sinumang mapapatunayang hindi otorisadong gumamit ng mga signaling o flashing devices ay papanagutin sa batas, at iba pang naaangkop na panuntunan. | ulat ni Nimfa Asuncion