Naninidigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dumaan sa kaukulang proseso ang ipinataw na animnapung araw na suspension ng Office of the President (OP) kay Governor Edwin Jubahib ng Davao del Norte.
Sa kapihan with media sa Washington, sinabi ng Pangulo na lahat ng check and balance ay ginawa pati na ang kailangang procedure bago ipinataw ang sanction sa suspendidong gobernador.
Kaugnay nito’y sinabi ng Pangulo na bukas ang OP para ilahad ang records sa mga nais kumuwestiyon hinggil sa ipinatupad na suspensiyon kay Jubahib.
Pagbibigay diin ng Chief Executive, hindi pa man siya nakakaupo sa Palasyo ay naisampa na ang kaso kay Jubahib at umabot pa ng dalawang taon bago napatawan ng aksiyon dahil sa pagdaan sa kaukulang proseso.
Hamon ng Pangulo sa mga abugado ng gobernador, magsagawa ng imbestigasyon at tingnan ang records ng kanilang kliyente.| ulat ni Alvin Baltazar