Pinuri ngayon ni Speaker Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. dahil nakuha nito ang suporta ng Estados Unidos at Japan para sa pagpapalawak ng industriya ng microchip sa bansa at pagpapahusay ng digital connectivity.
Sa ilalim ng Joint Vision Statement kasunod ng tri-lateral meeting sa pagitan ng US-Japan at Pilipinas nais ng tatlong leader — si US President Joe Biden, Japanese Prime Minister Fumio Kishida, at President Ferdinand R. Marcos, Jr. na ituloy ang isang bagong semiconductor workforce development initiative na magpapalawak ng pamumuhunan sa bansa.
Ayon kay Speaker Romualdez, magreresulta ito ng mas maraming investors, lilikha ng trabaho sa mga Pilipino at paglago ng IT related business.
Sa ilalim ng inisyatiba bibigyang oportunidad ang mga mag-aaral mula sa Pilipinas na makakatanggap ng world-class na pagsasanay sa mga nangungunang unibersidad sa Amerika at Japan.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng International Technology Security and Innovation (ITSI) Fund, makakamit ang produksyon ng 128,000 semiconductor engineers at technicians sa taong 2028.| ulat ni Melany V. Reyes