Dapat nang tiyakin ng local government units na may mga prangkisa ang lahat ng pampublikong transportasyon bago payagang makagamit ng transport terminals at makabiyahe sa kanilang ruta.
Naglabas ng direktiba si DILG Secretary Benhur Abalos Jr. matapos niyang ipaaresto ang babaeng nagpakilalang malayo niyang kaanak.
Bunsod ito ng pagkakahuli ng mga awtoridad sa kanyang kolorum na sasakyan na minamaneho ng isang lalaking gumagamit ng pekeng driver’s license.
Inatasan ni Abalos ang LGUs, na magpasa ng ordinansa na pagbawalan ang mga colorum operators na gumamit ng kanilang transport terminals.
Gayundin ang pag-inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan sa loob ng kanilang hurisdiksyon at pagpapatupad ng checkpoints.
Dapat aniyang tiyakin ng mga LGU na ang lahat ng operating public transportation entities ay nakakakuha ng angkop na prangkisa o CPC mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). | ulat ni Rey Ferrer