Pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang matagumpay na operasyon ng Pulisya matapos masabat ang aabot sa dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P13 bilyon sa Alitagtag, lalawigan ng Batangas kahapon.
Dahil dito, agad na ginawaran ng spot promotion ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. ang nanguna sa operasyon na si PCapt. Luis De Luna Jr sa ranggong Police Major.
Sa isinagawang pulong balitaan kahapon, ipinabatid ni Abalos ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kumikilala sa pagganap sa tungkulin ng mga Pulis sa kanilang kampaniya kontra iligal na droga.
Sa kaniyang panig, muling tiniyak ni PNP Chief, PGen. Rommel Marbil ang kanilang hangaring makamit ang 100 porsyentong paglaya sa iligal na droga ng mga komunidad sa buong bansa. | ulat ni Jaymark Dagala