Pinaiimbestigahan ni Senadora Risa Hontiveros ang environmental at social impact ng mining at quarrying activities sa bansa sa gitna ng mga naganap na insidenteng iniuugnay dito.
Sa inihaing Senate Resolution 989 ni Hontiveros, nais nitong makapagkasa ng ‘investigation in aid of legislation’ ang kinauukulang komite ng Senado tungkol sa serye ng mga trahedya na may kinalaman sa mining at quarrying.
Ayon sa senadora, sa tulong nito ay mai-evaluate ang regulatory framework ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), partikular ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) at ang Environmental Management Bureau (EMB) na responsable at dapat nagbabantay sa mining at quarrying operations.
Kabilang sa mga tinukoy sa resolusyon ang nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro, epekto ng mining activities sa ecology and cultural heritage ng Homonhon Island at ang epekto sa kalIdad ng tubig ng quarrying sa Romblon.
Tinukoy rin ang paggamit ng materyales na galing sa minahan at dredging operations sa kontrobersyal na reclamation efforts sa ilang mga lugar sa bansa partikular sa Manila Bay at sa West Philippine Sea.
Gayundin ang mga nahuling tripulante ng barko ng China na nagsasagawa ng dredging activities sa Zambales at ang presensya ng Chinese dredging vessels sa Maguindanao del Norte. | ulat ni Nimfa Asuncion
📷: Save Homonhon Movement