Nais ni Senate Committee on Public Works Chairperson, Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na pagmultahin ang maynilad at ang mga kontraktor nito dahil sa malaking ‘sinkhole’ na lumabas sa gitna ng Sales Road sa Pasay City nitong linggo.
Base sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang sinkhole ay resulta ng tagas mula sa pipeline ng Maynilad Water Services Inc.
Nasa 2m x 3m ang laki ng sinkhole at may lalim na 8-10 feet.
Sinabi ni Revilla na dapat managot ang Maynilad at ang kontraktors nila dito dahil nagdudulot ng panganib ang sinkhole na ito lalo na sa mga motorista.
Kung hindi aniya ito nakita at napabayaan lang ay maaari pang madamay ang residential areas at mga gusali sa lugar.
Ipinunto pa ng senador na malapit na sa pundasyon ng NAIAX elevated highway ang butas kaya nakakatakot ang posibleng epekto nito.
Binigyang diin ni Revilla na dapat managot ang Maynilad dito para mas maging responsable na sila sa mga epekto ng kanilang mga proyekto at serbisyo. | ulat ni Nimfa Asuncion
📷: MMDA