Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na makatutulong na mapunan ang mga backlog sa lisensya sa pagmamaneho matapos na dumating ang mga bagong supply ng license card.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Aniya, mapupunan ng dumating na 600,000 na license cards ang mga backlog sa lisensya noong nakaraang taon.
Bukod pa ito sa karagdagang dumating na isang milyong license cards na na-deliver na sa Land Transportation Office (LTO) noong nakaraan.
Ayon kay Bautista, inaasahan din ang pagdating ng karagdagang 2.2 milyong lisensya sa Mayo. Ito ay ipamamahagi sa iba’t ibang distrito at satellite offices ng LTO.
Dahil sa pagtanggal ng writ of preliminary injunction ng Court of Appeals, maaari nang magpatuloy ang LTO sa pag-iisyu ng lisensya para sa mga bagong aplikante at para sa mga magre-renew.
Sinabi rin ni LTO Chief Vigor Mendoza II, na inaasahan nila ang pagdating ng kabuuang 3.2 milyong license cards sa loob ng 45 araw simula noong idineliver ang unang isang milyon noong Marso 25. | ulat ni Diane Lear